Ang Minsan ay Magpakaylan Man

Ate,

Kumusta ka na? Matagal tagal na ring hindi ka nagpaparamdam…Oo alam ko mayroon kang dinaramdam. Kung anu man yun sana maging ayos ka. Ako ayos lang naaalala ka. Sa totoo lang mahalaga ka sa akin hindi na kung sa anung dahilan basta bilang ikaw na mabuting tao na aking kaibigan. Yun pa din ang pinaniniwalaan ko kahit ang ipinapakita ng realidad ay hindi totoo.
 
Sana magtagumpay ka sa mga bagong hamon sa buhay mo. Ayaw ko na sanang magparamdam sa’yo, kaya lang pag ginawa ko yun ay pareho na tayo. Mag-iingat ka lagi, andyan ang Maykapal para gabayan ka. Sa pagdaloy ng agos ng iyong buhay, naway mabanaagan ng magagandang aral ang iyong kaisipan. Kunin mo ang lahat ng katangap-tanggap na moralidad, iwan mo ang imoral at hindi kagandahan.
 
Ang ganda ng tao’y panblabas lamang, ang busilak na puso’y magpakaylan man. Lagi mong tandaan, kung ano mayroon ngayon ay bunga ng kahapon, at ang kasalukuya’y idudulot ay hinaharap. Bilang tao’y maaring ako’y may pagkukulang sa’yo, iyon ay sa dahilang tao nga ako. Ikaw na sana ang magpuno para maibsan kung ano ang hindi sapat. Ang pagsasabi ng tapat ay nagsasama ng maluwat.
 
Paalam kaibigan. Kung sakaling sa pakiramdam mo’y wala ka ng matatakbuhan, baligtarin mo man ang mundo andito pa rin ako. Ang totoo’y alam ko na alam mo rin na naging malapit tayo sa isa’t isa, ngunit sa isang kisap mata’y napakalayo mo na.
 
Mabuti na lamang ganito talaga ang “minsan”, subali’t ang minsa’y sa buong pag ka-Ako ko’y…MAGPAKAYLAN MAN.
 
Lubos na nagmamahal,
 
Kuya