Category Archives: Tagalog

Bakit may tinik ang rosas?

Ang tilamsik ng aking diwa kung bakit may tinik ang rosas.

Minsan may mga damdamin pala tayong kailangan na lang nating ikubli sa kaibuturan ng ating puso, sapagkat kung ating isisiwalat ang tunay na nararamdaman ay ikaw lang ang mawawalan…

Laging tatandaan, wala kang karapatang magmahal kung hindi ka handang masaktan…

Dapat marunong kang yumakap sa mga tinik na balakid sa wagas mong pag-ibig…makita mo lang siyang maligaya…

At sa Maykapal ito'y ipagpapasalamat mo na.

Anupat masasabi natin sa ating sarili kung anung ligaya ang malalasap at maidudulot ng pagmamahal, lalong lalo na kung minamahal ka din ng iyong nililiyag.  Datapwat anung sarap ng tunay na pag-ibig, subalit hindi nito ginagarantiya na ang pag-ibig na wagas ay masusuklian din ng tulad ng ating pagmamahal. 

Ang tunay na pagmamahal  ay ang pagmamahal na hindi naghihintay ng anumang kapalit.  Tumpak! masarap magmahal at mahalin, ngunit hindi lahat ng ating mamahalin ay nagmamahal din sa atin. 

May mga malulungkot na pangyayari sa ating buhay na wala tayong magagawa kundi ang tanggapin ang masaklap na katotohanan na may mga minamahal tayo, subali’t hindi nila masuklian ang ibinibigay nating pagmamahal.

Nakakalungkot hindi ba?Pero dapat lamang natin itong tanggapin sapagkat may mga tao din na nagmahal sa atin subalit hindi din natin masuklian ang pagmamahal na ibinibigay nila sa atin.  Kung ikaw ay tunay at wagas na nagmamahal, yung pagmamahal na yaon mismo ang dapat magpasaya sa’yo at hindi yung kapalit na hinihingi mo. 

Ang pag-ibig na pinanday ng mga sakripisyo ay hindi matatawaran ang kapanatagan na iyong mararamdaman, ngunit, ang pagmamahal na ang dulot ay kaligayahan lang para sa sarili ay hungkag na pagmamahal at isang malaking kabalintunaan.  

Samantala, kung sa pakiramdam natin ay sinusiklian naman ang ating pag-ibig ngunit sa tingin mo’y kulang, hindi tayo dapat malungkot, bagkus ay dagdagan pa ang pag-ibig, para kung sakaling kulang man ay tayo na mismo ang magpuno nang kakulangan na yaon.

Sa dahilang ang sukatan ng pag-ibig ay ang pag-big na walang sukat.  Ang pag-ibig ay pagbibigay ng buong puso, buong-buo, walang agam agam, walang pag-iimbot, at walang kapalit.

Minsan akala natin ay hindi nasusuklian ang ating pag-ibig dahil hindi natin makamit ang ating minimithi, ngunit hindi natin naalintana na ang sakit ng ating pagkabigo ay yun na mismo ang kapalit na ating pag-ibig.

Lagi mong tandaan na hindi lahat na idudulot ng pag-ibig ay naayon sa ating kagustuhan.  May mga bunga ito na mapait at masakit at hindi natin gusto kaya naman dapat lamang natin tanggapin ang katotohanan—ang sakit—ang pait.

Sa dahilang sa bawat sakit, sa bawat hapdi, sa bawat pait, sa bawat pighati, at sa bawat kirot—ay kaligayahan naman ang idinudulot.

Kaligayahan ng taong ating wagas na minamahal.  Ang tanging kailangan lang ay ang pagtanggap—ang pagtanggap ng katotohanan—kahit masakit—kahit mapait—

Tulad nang isang napakagandang rosas…na sa ating pagpitas upang ito’y ihandog sa ating liyag, may mga pagkakataon na tayo’y matutusok ng kanyang matitilos na tinik. 

Subalit hindi natin alintana ang sakit at kirot na maaring idulot ng sugat na dulot ng tinik.  Bagkus ay buong giliw nating titiisin ang lahat ng sakit at pagkirot, sapagkat sa oras na iaabot na natin ang rosas, ay banayad na ngiti ang isinusikli ng ating minamahal.

Ang sambit ng mga negatibong tao ay sayang ang rosas dahil may tinik. Pero dapat sa pag ibig tayo ay positibo upang maintindihan natin at makita na  napakaganda ng tinik dahil may rosas.

Para ding sa pag-ibig, na kahit anong hirap at sakit ng ating sitwasyon at pinagdaanan, masasambit pa din nating salamat sa pag-ibig, ako'y nagmamahal.

Bakit May Tinik ang Rosas?

Ang Minsan ay Magpakaylan Man

Ate,

Kumusta ka na? Matagal tagal na ring hindi ka nagpaparamdam…Oo alam ko mayroon kang dinaramdam. Kung anu man yun sana maging ayos ka. Ako ayos lang naaalala ka. Sa totoo lang mahalaga ka sa akin hindi na kung sa anung dahilan basta bilang ikaw na mabuting tao na aking kaibigan. Yun pa din ang pinaniniwalaan ko kahit ang ipinapakita ng realidad ay hindi totoo.
 
Sana magtagumpay ka sa mga bagong hamon sa buhay mo. Ayaw ko na sanang magparamdam sa’yo, kaya lang pag ginawa ko yun ay pareho na tayo. Mag-iingat ka lagi, andyan ang Maykapal para gabayan ka. Sa pagdaloy ng agos ng iyong buhay, naway mabanaagan ng magagandang aral ang iyong kaisipan. Kunin mo ang lahat ng katangap-tanggap na moralidad, iwan mo ang imoral at hindi kagandahan.
 
Ang ganda ng tao’y panblabas lamang, ang busilak na puso’y magpakaylan man. Lagi mong tandaan, kung ano mayroon ngayon ay bunga ng kahapon, at ang kasalukuya’y idudulot ay hinaharap. Bilang tao’y maaring ako’y may pagkukulang sa’yo, iyon ay sa dahilang tao nga ako. Ikaw na sana ang magpuno para maibsan kung ano ang hindi sapat. Ang pagsasabi ng tapat ay nagsasama ng maluwat.
 
Paalam kaibigan. Kung sakaling sa pakiramdam mo’y wala ka ng matatakbuhan, baligtarin mo man ang mundo andito pa rin ako. Ang totoo’y alam ko na alam mo rin na naging malapit tayo sa isa’t isa, ngunit sa isang kisap mata’y napakalayo mo na.
 
Mabuti na lamang ganito talaga ang “minsan”, subali’t ang minsa’y sa buong pag ka-Ako ko’y…MAGPAKAYLAN MAN.
 
Lubos na nagmamahal,
 
Kuya